| |  
 
 
 
 about balikbayan
 
Atin ’to
Salamat kabayan at binabasa nyo ngayon itong magasing Balikbayan. Kung kayo ay nasa ibayong-dagat, talagang para sa inyo ito kahit na ang kahulugan ng salitang balikbayan ay iyung mga bumalik sa Pinas mula sa ibang bansa. Kung hindi pa man kayo balikbayan, para sa inyo pa rin ito dahil darating ang panahon na uuwi naman kayo sa Pilipinas. Di ba, day?
Sa mga kapatid nating nasa bayan, para sa inyo rin ito dahil meron tayong kamag-anak, kaibigan o mahal sa buhay na OFW at nais nating malaman ang kanilang kalagayan ngayon.
Hangad naming ipadama sa mga overseas Filipinos na malapit kayo sa inyong mga kababayan saan mang dako ng mundo kayo naroroon. Nais din naming ipadama na katabi lang kayo ng mga naiwan nyo sa Pilipinas dahil sila man ay nami-miss din kayo.
Kahit nag-e-email at pa-text text na lang tayo sa asawa o kaibigan nating nasa malayong lugar, kahit nalalaman natin ang balita at showbiz tsismis dahil napapanood na ang TV Patrol o Eat Bulaga sa ibang bansa, kahit huli dumating ang kopya ng Manila Bulletin, People's Journal, songhits o anumang komiks at magasin sa Hong Kong at Singapore, palagay ko naman ay sisilip pa din kayo sa Balikbayan. Dahil tulad ng ibang pahayagang Pilipino na gawa sa lugar nyo o sa Maynila, ihahatid namin ang samu't saring balita sa inyo mapa-pulitika o mapa-showbiz. Maging ang mga nangyayari sa industriya ng manpower export ay malalaman nyo sa Balikbayan tulad halimbawa ng bagong regulasyon, kumpanyang nangangailangan ng mga trabahador, training center na dapat puntahan, atbp..
Tulad ng pakikichika nyo sa pamamagitan ng e-mail at cellphone, sa Balikbayan ay maipapahayag nyo ang sarili nyong damdamin sa iba-ibang isyu. Malalaman nyo rin ang mga kuro-kuro, sentimyento at kaalaman ng mga kapwa nyo migrante, mga opisyal ng bayan at mga eksperto.
Sisikapin ng Balikbayan na tulungan ang mga OFWs na may problema. Ang aming mga kolumnista ang siyang magbibigay ng payo sa kanila.
Ipakikilala ng Balikbayan sa inyo ang iba pang masikap na bagong bayani. Ipapasyal din namin kayo sa iba't ibang lugar sa Pilipinas.
Kung mahilig naman kayo sa horoscope, fashion at sports meron din tayo nyan.
Sa pagtagal, dadagdagan ng Balikbayan ang laman nito ng iba pang interesting topics na patok sa mga overseas Pinoy and Pinay. Ano ba ang gusto nyo? Hala, I-email na sa balikbayan_magazine@hotmail.com o balikbayan_magazine@yahoo.com.
Tulad ng balut, basag man o hinde, sana ay magustuhan nyo ang Balikbayan. Kung hindi man ito malinamnam sa panlasa nyo ngayon, palagay ko ay magugustuhan nyo ito sa susunod na tikim nyo. Apay? Bakit? Baka kasi naninibago pa kayo e. Kaya subukan nyo lang.
O sya, happy reading and viewing.
Salamat, mag-ingat at mabuhay kayong lahat.
 
 
   
 
Room 303, Paragon Tower, 531 A. Flores St., Ermita, Manila
Tel Nos. 526-5541 to 50 loc. 218 / TeleFax. 526-3802
Balikbayan_Magazine@hotmail.com
 
Copyright 2002 © PLANET PINOY PUBLISHING INC. All rights reserved.