| |  
 
 
 
-----------------------------

 
 people
 
Bagong OWWA admin
    Si Virgilio Angeles, ang dating vice chairman at general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office, ang papalit kay Wilhelm Soriano bilang pinuno ng OWWA.
    Si Soriano ay naka-leave mula pa noong Agosto bilang OWWA administrator mula nang sinisi at paimbestigahan siya ni Sto. Tomas sa pagpasyang ipuhunan ang milyun-milyong pondo ng mga OFWs sa Smokey Mountain Project nuong 1995. Mangyari ay hindi pa rin makuha ng OWWA ang pinautang sa Home Guaranty Corporation pati na interes dito na umabot na sa P1.1 bilyon.
    Si Angeles, na may 30 taong nagtrabaho sa iba-ibang bangko, ang aasikaso sa pagbawi ng OWWA Fund na pinautang sa HGC.
Makakaluwang na rin si Delmer R. Cruz, na nagsilbing OIC ng OWWA mula nang umalis si Soriano. Bukod sa pagtayo bilang OIC, dalawang tungkulin pa ang sabay-sabay na ginampanan ni Cruz: bilang deputy administrator at manager ng OWWA Medicare.
 
Nagbantay ng bangkay
    Kahit nasa Jeddah, Saudi Arabia ang OFW na si Mrs. Virgie Hipolito, di sinasadyang ginunita niya ang undas duon. Bilang pagtulong sa kabayan at pagmamagandang-loob na rin, siya ang napakiusapang magbantay at mag-asikaso sa pagpapauwi ng bangkay ni Jimson Cabanilla, na hindi niya kamag-anak.
    Sinabi ni Hipolito kay Rod Hizon ng Radyo OFW na Hulyo 8 pang patay ang di-dokumentadong OFW na si Cabanilla subalit hindi agad naaksyunan ng konsuladong Pilipino sa Jeddah ang hiling niyang tulong para mapauwi ang bangkay sa Pilipinas. Ayon sa kanya, walang pamasahe at hindi alam ang tirahan ng yumaong Cabanilla kaya hindi maiuwi.
    Nanawagan si Hipolito kay Gloria Sibote na konektado sa ahensya ni Cabanilla na tumulong sa pagpapauwi ng bangkay. Ang ahensya ay nasa 360 Bagong Kalsada, San Miguel, Bulacan at may telepono na 254-8428. Nanawagan din siya sa kamag-anak o sinumang nakakikilala kay Cabanilla na tulungang maihatid ang bangkay sa Pilipinas.
    Sa mga nais magtanong, si Hipolito ay mako-kontak sa 057-910618.
 
Pauwiin nyo na kami!
    Nanawagan din sa programang pang-radyo ni Rod Hizon si Norma Alejo na tulungan ng DFA ang kapatid niyang si Joselito na makauwi na sa Pilipinas. Si Joselito ay isa sa tatlong OFW na pinawalang-sala ng hukom na Saudi nuong Hulyo sa paratang na pagpatay ng isang lokal na pulis nuong 1997. Isa siyang trailer driver ng Astra Farms sa Tabuk, Saudi Arabia. Subalit siya, si Romeo Cordova at si Ramiro Esmero ay nakakulong pa rin hanggang sa sinusulat ang balitang ito.
    Ayon kay Norma, tumatawag ang kanyang kapatid sa kanya at nagsumbong na hindi inaasikaso ng DFA ang paglaya nila. Sinabi ni Norma na lumalapit sila kay DFA Secretary Blas Ople ngunit ayaw silang harapin nito.
    “Nakikiusap ako kay GMA na pauwiin na ang kapatid ko bago mag-Pasko,” hiling ni Norma.
    Kunsumido rin ang hipag ni Joselito na si Zeny dahil hindi natupad ang pangakong tulong ni Pangulong Arroyo nang bisitahin niya ang pamilyang Alejo sa Cavite City nuong Agosto. “Nauuna pa ang photo-op, wala namang ginagawa ang DFA. Dapat pagsabihan na ni GMA ang DFA na bilis-bilisan nila ang pag-aasikaso kay Joselito,” sambit ni Zeny.
 
Nakauwi, pero pilay
    Hindi lahat ng OFW na nakabalik sa Pilipinas matapos ang masamang karanasan sa ibang bansa ay masaya lalo na kung nagtamo sila ng pinsala sa katawan. Isa na rito si Haji Mundang, isang domestic helper na dumating sa Pilipinas mula Kuwait nuong Okt. 25 na naka-wheel chair. Sawing palad siyang napilayan matapos tumalon sa ikaapat na palapad ng gusaling tinitirhan ng kanyang amo upang umiwas sa tangkang panghahalay sa kanya ng huli.
    Sa naiulat na salaysay ni Mundang sa isang welfare officer sa NAIA matapos siyang bumaba mula sa Flight 411 ng Kuwaiti Airways, sinabi niya na pikit-mata siyang tumalon mula sa silid ng among si Mohammad Walid. Bago tumalon, nanlaban muna si Mundang para makawala.
    Nagsimulang magsilbi si Mundang sa pamilyang Walid noong 1992. Sa una ay maayos ang trato sa kanya ng mag-asawang Mohammad at Monera Walid. Pagkalipas ng ilang buwan, biglang nagbago ang pagtrato sa kanya.
    Isang araw ay dinala ng amo si Mundang sa gitna ng disyerto at tinangkang ipagbili sa kanyang mga kaibigan na naghahanap ng aliw. Tumanggi si Mundang kaya nagalit si Mohammad. Umuwi sila at sa bahay ay pinasok ni Mohammad si Haji sa kanyang silid para halayin. Nanlaban si Mundang at nang makawala ay tumalon sa gusali at tuluyang tumakas.
 
DFA hirap tumulong sa mga nakakulong
    Inamin ng DFA na marami ngang nakakulong na OFW sa Saudi Arabia tulad ng paratang ng Migrante International, isang grupo na tumutulong mangalaga sa kapakanan ng mga OFWs. Subalit hindi agad natutulungan ng DFA ang mga ito dahil sa kaugalihang legal at hukom ng mga Saudi. “Hindi nila inaanunsiyo na may Pilipinong nakakulong,” sabi ni Christopher Aro, principal assistant sa Public Information Service Unit ng DFA.
    Sabi ni Aro na ang DFA at OWWA ang may responsibilidad sa pagtulong sa mga nakakulong na Pilipino sa kaharian. Ang OWWA ang nag-aasikaso sa repatriation ng mga legal na OFW o yung kumpleto ang papeles samantalang ang Office of the Migrant Workers Affairs (OMWA) ng DFA ang tumutulong sa mga di-dokumentadong migrante. May pondo ang DFA na nakalaan para sa pagpapauwi ng mga OFWs pero ang paglabas ng perang ito ay dapat munang aprobahan ng DFA. May proseso rin ang paglabas ng pera. Pormal dapat na hilingin ng embahada sa Saudi ang paglabas ng pera. Pag tanggap ng hiling, ipapasa ito ng DFA sa OWWA na siyang magbibigay ng pondo.
    Sa mga ilegal na OFW, nag-i-isyu ng bagong pasaporte ang embahada at pormal na humihiling ng pera sa OMWA. Isa hanggang dalawang araw nailalabas ang hiniling na pera at ito ay pinapadala sa embahada sa pamamagitan ng bangko at courier.
    Kung ganon, bakit kaya marami pang OFW na gustong makauwi sa Pilipinas pero hindi makauwi? Hmmm.
 
Galit kay Sto. Tomas

    Sa sobrang galit ni Willie D. Espiritu, may-ari ng ahensyang Philippine Overseas Employment Industry Foundation (POEI), kay Labor Secretary Patricia A. Sto. Tomas, nagsampa siya ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa huli. Isinampa ni Espiritu ang kaso sa opisina ng Ombudsman sa Quezon City noong Okt. 29 dahil umano sinadyang di tuparin ni Sto. Tomas ang deregulasyon ng recruitment industry na sinasaad sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 pati na ang paglalabas niya ng Department Order No. 10.
    Sabi ni Espiritu na walang kapangyarihan si Sto. Tomas na mag-isyu ng patakaran sa pagsasanay, pagsusulit, sertipikasyon at pagpapadala ng mga entertainer na nakapaloob sa nasabing utos dahil ang POEA ang tanging gumagawa nito. Nagrereklamo si Espiritu sa utos dahil ito raw ay mahirap kung di man imposibleng sundin, lalo na ang pagbabawal sa mga talent manager na mag-endorso ng entertainer sa TESDA para sa pagsusulit ng kakayahan.
    H
indi naman alala si Sto. Tomas. Ayon sa sekretarya, nagpasya na ang Mataas na Hukuman na isakatuparan ang DO 10. Isa lamang daw “publicity” ang kaso.

 
Masibak daw sana
    Sa kanyang panayam sa programang Radyo OFW, sinagot ni Espiritu ang tanong ng brodkaster na si Rod Hizon kung sang-ayon ba siyang mapalitan si Sto. Tomas.
    “Dapat lang masibak si Sto. Tomas,” pahayag ni Espiritu. Gusto niya ito dahil lantaran daw ang corruption sa TESDA. Hindi raw pinipigilan ni Sto. Tomas ang P20,000 non-appearance fee sa ARB system at muling itinalaga niya sa TESDA si Lucita Lazo.
    Binatikos pa niya si Sto. Tomas dahil hindi niya sinasabi ang totoong nangyayari sa mga OPAs sa Hapon at puro pagpapagandang babae sa dyaryo ang ginagawa dahil sa pagpapahayag na walang nade-deport na entertainers duon.
    Napaulat nang si Sto. Tomas ay kabilang sa mga miyembro ng gabinete na papalitan ni Pangulong GMA. Napaulat din na si Roy Seneres, ang chairman ng National Labor Relations Commission at dating embahador sa United Arab Emirates, ang posibleng pumalit sa kanya.
 
 
 
 
Room 303, Paragon Tower, 531 A. Flores St., Ermita, Manila
Tel Nos. 526-5541 to 50 loc. 218 / TeleFax. 526-3802
Balikbayan_Magazine@hotmail.com
 
Copyright 2002-2003 © PLANET PINOY PUBLISHING INC. All rights reserved.